NAGA CITY- Nasagip ng mga awtoridad ang nasa 15 menor de edad sa isang sex den sa Sitio Borabod, Barangay San Antonio, Bombon, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Angelo Babagay, ng Cybercrime PRO 5, sinabi nito na agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad matapos mabatid ang umano’y nangyayaring child trafficking sa nasabing lugar.
Una rito, dati na umanong minomonitor ng Australian Government ang naturang child pornography at ipinaabot na rin ito sa Women’s, Children Protection Desk (WCPD).
Dahil dito, agad na nagsanib-pwersa ang naturang mga ahensiya para isagawa ang operasyon.
Aniya, pawang nasa edad apat hanggang labing-anim na taong gulang ang nailigtas na mga biktima.
Ayon kay Babagay, mismong ang mga kapamilya nito ang nagbubugaw sa mga Australiyano nitong kliyente.
Dahil dito, agad naman na inaresto ang apat na suspek kung saan inamin ng mga ito na nagawa lamang nila ang gayong gawain dahil sa kahirapan.
Kaugnay nito, narekober sa pinangyarihan ang mga cellphone, laptops at iba pang klase ng mga electronic devices na ginagamit ng mga suspek sa pornograpiya.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang na-rescue na mga menor de edad para sa gagawing evaluation kaugnay ng nasabing kaso.