NAGA CITY- Sugatan ang 16 na katao matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang pampasaherong jeep sa Old Zigzag Road, Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSg Joel Halili, ang imbestigador ng Pagbilao Municipal Police Station, sinabi nito na dakong ala-1:30 ng madaling araw kahapon nang mangyari ang insidente.
Aniya, galing sa isang kasalan sa bayan ng San Jose, Camarines Sur ang mga pasahero ng jeep at pabalik na sana sa Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nawalan umano ng preno ang jeep habang tinatahak nito ang nasabing daan hanggang sa bumangga ito sa barrier at tuluyan nang bumulusok sa bangin na may lalim na nasa 200 meters.
Dahil dito, sugatan sa insidente ang lahat ng pasahero ng jeep na sina Benz Jomar Fuentes; John Cedric Gardon; Gina Lozano; Sharmaine Coriño; Noli Francia; Beah Grace Camacho; Anabel Camacho; Jose Camacho; Cherry Samson; Solen Samson; Analyn Arnejo; Ronel Francia; Analyn Camacho; Marjorie Camacho; Kenneth Arnejo; kabilang ang driver na si Ronel Francia.
Ayon kay Halili, alas-6 na ng umaga nang ma-rescue ang lahat ng mga sugatan at maitakbo sa Quezon Medical Center para sa agarang lunas.
Sa kabutihang palad, wala namang nasawi sa nasabing insidente.
Sa kabila nito, pinag-aaralan pa kung sasampahan ng kaso ang driver ng naturang jeep.