NAGA CITY- Arestado ang nasa 16 na indibidwal matapos ang iligal na pangingisda sa Municipal water ng Presentacion, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Mark Spaña, Chief of Police ng Presentacion MPS, sinabi nito na habang nagsasagawa ang kanilang tropa ng seaboard operation sa Sta. Maria boundary ng Lagonoy sa Bagong Sirang ng mayroon umano ang mga itong maharang na bangka na kung saan iligal na nangingisda sa ipinagbabawal na area sa loob ng 15 kilometers sa may bahagi ng Aguirangan.

Kaugnay nito, nang i-verify umano at hingan ng permit ang boat captain wala itong naibigay na papel na nagbibigay sa kanila ng permiso na mag-operate sa nasabing karagatan.

Ayon pa sa opisyal, kaagad nilang dinakip ang nabanggit na mga indibidwal at dinala sa Presentacion MPS dahil sa paglabag sa municipal ordinance no.6 series of 2012 o illegal fishing violation.

Dagdag pa ni Spaña, mayroon pang bayolasyon ang mga nadakip dahil ang fishing net na kanilang gamit sa pangingisda ang malilit at ito’y ipinagbabawal dahil maging ang mga maliliit na isda an masasama sa panghuhuli.

Samantala, hindi na nakumpiska ang mga isda dahil naipasa na ito sa kanilang manager na kaagad naman na tumakas, pero ang mga bangka na ginamit maging ang mga naarestong indibidwal ang nasa kanilang kostodiya.

Sa ngayon, muli naman na pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na sumunod sa mga nag-iiral na ordinansa at batas upang hindi malagay sa alanganin na sitwasyon.