NAGA CITY – Nakipag-ugnayan na ang alkalde ng San Fernando, Camarines Sur sa tropa ng militar upang mailibing ang bangkay ng 17-anyos na kasapi ng NPA na namatay matapos ang engkwentro sa bayan ng San Fernando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Fermin Mabulo ng LGU San Fernando, sinabi nito na napilitan silang ilibing ang bangkay ng nasabing indibidwal dahil ayaw itong angkinin ng kaniyang pamilya.

Ayon sa alkalde, sila na ang nag-ayos ng pagpapalibing sa biktima sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa militar upang kahit papaano ay mabigyan pa rin ito ng digdnidad sa kabila ng kaniyang piniling buhay.

Matatandaan na noong Agosto 2, 2024, nagkasagupa ang tinatayang nasa 19 New People’s Army at tropa ng pamahalaan sa Barangay Tagpocol sa nasabing bayan.

Nagresulta ito sa pagkamatay ng 17-anyos na miyembro ng NPA at pagkakarekober ng anim na baril at isang grenade launcher.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga kabataan na iwasan ang pagsali sa mga rebeldeng grupo at huwag sayangin ang kanilang buhay sa hindi tiyak na kinabukasan.

Hinikayat din ng alkalde ang mga kabataang sumapi sa makakaliwang grupo na magbago at magbalik loob sa pamahalaan dahil handa ang kanilang LGU na tulungan silang magkaroon ng magandang buhay.

Sa ngayon, humihiling ng kapayapaan sa kanilang bayan ang opisyal at hindi na mauulit ang engkuwentro.