Hindi dumalo ngayong Lunes, Hunyo 8, ang labing-walong (18) dating miyembro ng Philippine Marines sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sa ilalim ng bagong chairman nitong si Senador Erwin Tulfo, kasunod ng reorganisasyon sa Senado.
Ayon sa Committee Secretary (ComSec), naimbitahan ang mga dating sundalo ngunit wala umanong natanggap na anumang tugon ang komite mula sa kanila o mula sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.
Hindi rin dumalo si dating Congressman Mike Defensor, na nilinaw ng ComSec na hindi naman pala siya kabilang sa mga opisyal na pinadalhan ng imbitasyon ng komite.
Matatandaan na sa pagdinig noong Hunyo 4, lumutang ang ulat na umano’y sinuhulan ni Defensor ang 18 dating Marines upang tumestigo sa isyu ng flood control anomaly, bagay na mariin niyang itinanggi.
Samantala, hindi rin nakadalo sina dating House Speaker Martin Romualdez at ilang mambabatas tulad nina Rep. Zia Alonto Adiong, Rep. Jose Alvarez, Rep. Julienne Baronda, at Rep. Leila de Lima. Ayon sa sulat ni House Secretary-General Cheloy Velicaria-Garafil, ang kanilang hindi pagdalo ay dahil sa “parliamentary courtesy,” habang ipinagpatuloy pa rin ang pagdinig kasama ang mga opisyal mula sa DPWH, DOJ, DBM, Office of the Ombudsman, at NBI Director Melvin Matibag bilang mga resource persons.










