Ipapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 18 nagpakilalang dating sundalo upang magsumite ng magkakahiwalay na salaysay kaugnay ng kanilang mga alegasyon laban sa ilang opisyal ng pamahalaan, bilang bahagi ng hakbang ng ahensya upang masuri ang kredibilidad ng kanilang pahayag.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, iimbestigahan din ng kanilang tanggapan ang notaryo na nagpatibay sa joint-affidavit na inihain ng mga dating sundalo sa Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Matibag na nais nilang busisiin ang proseso ng pagkakanotaryo ng dokumento, kabilang ang posibleng relasyon ng notaryo sa mga nag-akusa at kung may ibang indibidwal na nagtutulak sa kanilang mga paratang.

Sinuportahan din niya ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mas mainam kung magkakahiwalay na affidavit ang isusumite ng mga dating sundalo upang malinaw na matukoy ang kani-kanilang personal na kaalaman.

Advertisement

Pinagdudahan ng NBI kung bakit iisang joint-affidavit ang ginamit ng 18 indibidwal gayong ang affidavit ay karaniwang naglalaman ng personal na kaalaman at salaysay ng isang tao lamang.

Samantala, naghain naman ng legal na aksyon si Eduardo Año, National Security Adviser, laban sa mga dating sundalo at ilang personalidad kabilang sina Levito Baligod at dating kongresista na si Mike Defensor.

Kaugnay ito sa alegasyong nag-uugnay kay Año sa umano’y pagtanggap ng “paper bag” na may laman na pera. Kabilang sa mga kasong isinampa ang paglabag sa Revised Penal Code of the Philippines sa ilalim ng unlawful use of means of publication and unlawful utterances at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Mariin namang itinanggi ni Año ang mga paratang laban sa kanya.

Bukod sa kanya, idinawit din ng grupo ang iba pang opisyal ng pamahalaan kabilang ang pitong senador at ilang mambabatas, pati na ang dating kinatawan ng Marikina na si Stella Quimbo.

Sa panayam sa ilang dating sundalo, iginiit nilang naghatid umano sila ng mga maleta na may lamang malaking halaga ng pera sa bahay ng naturang dating kongresista. Nagpakita rin umano sila ng mga larawan bilang patunay sa kanilang affidavit.

Batay sa joint-affidavit, tinatayang nasa ₱50 milyon hanggang ₱70 milyon ang laman ng malaking maleta habang nasa ₱15 milyon hanggang ₱25 milyon naman ang laman ng mas maliliit na bag.

Dahil sa mga alegasyon, ipapatawag ng NBI ang mga dating sundalo upang magsumite ng magkakahiwalay na testimonya na magsisilbing batayan ng mas malalim na imbestigasyon sa mga paratang laban sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Advertisement