NAGA CITY- Tinatayang aabot na sa 1,000 na mga healthcare workers ang nabakunahan na ng COVID-19 vaccines sa lalawigan ng Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Grace Santiago, Health Officer ng nasabing lalawigan, sinabi nito na nasa ikalawang linggo na sila ng pagbabakuna.
Aniya, nasa 800 na mga healthcare workers ang nabakunahan sa unang rollout ng bakuna sa Quezon Medical Center.
Sa kabuuan, nasa tatlong ospital na sa lalawigan ang nakapag-rollout na ng Sinovac at Astrazeneca vaccines.
Ayon kay Dr. Santiago, hindi naman nakitaan ng adverse events ang mga nabakunahang healthcare workers.
Una rito, inamin ng opisyal na maraming mga healthcare workers ang mas gusto na mabakunahan ng AstraZenaca kumpara sa SinoVac.
Ngunit kalaunan, maganda naman ang naging pagtanggap ng mga ito sa parehong bakuna.
Sa ngayon, nasa 3,000 pa ang target na mabakunahan na mga healthcare workers sa lalawigan at tinitingnang matatapos ngayong buwan ng Marso.