NAGA CITY- Patay ang isang 2 taong gulang na bata matapos malunod sa Irrigational Canal sa Barangay Concepcion Grande, Naga City sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Enteng sa Bicol Region.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jerrold Rito, Barangay Kapitan ng nasabing lugar, sinabi nito na hindi nila inaalis ang posibilidad na mayroong kapabayaan ang magulang sa nangyaring insidente.
Ito ay dahil bandang alas-11 ng umaga nitong Linggo, naglalaro umano ang bata kasama ang kanyang mga kapatid nang hindi ito namalayan na umuwi sa kanilang bahay, kung saan, ang kusina nila ay open area at haros humigit-kumulang isang metro lamang ang layo sa irrigational canal.
Pinaghihinalaan rin na posibleng nadulas ang bata na nagresulta upang mahulog ito sa canal at maanod dahil sa malakas ng agas na dulot naman ng malakas na pag-ulan dahil sa bagyong Enteng.
Maaalala, halos umabot sa dibdid na ang baha na naitala sa ilang lugar sa lungsod dahil sa nasabing bagyo kung saan, umabot sa apat na indibidwal ang kumpirmadong nasawi kasama na ang walong buwang gulang na sanggol.
Sa ngayon, paalala na lamang ng kapitan sa publiko na panatilihin ang kalinisan sa kanilang paligid at huwag rin magtapon ng basura sa kung saan-saan lalong lalo na sa mga drainages na nagin dahilan naman nang nangyaring pagbaha sa lungsod.