NAGA CITY- Palaisipan ngayon sa pamilya ng dalawang batang nalunod sa isang sapa sa San Fernando, Camarines Sur ang nangyari.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mary Ann Luto, ina ng dalawang biktima, sinabi nitong palaisipan sa kanila ang nangyari lalo na at alam aniya nilang hindi basta-basta maliligo ang dalawang bata sa sapa dahil takot ang mga ito sa malalim na tubig.
Ayon kay Luto, kahit nga pamilya ng mga ito ang kasamang maligo sa dagat, hindi ang mga ito basta naliligo dahil sa takot.
Gayunpaman, wala naman aniya silang masisisi sa nangyari lalo na at mga pinsan lang naman ng mga ito ang kasama sa naturang lugar.
Nabatid na pinayagan naman aniya ni Luto ang dalawa na sumama sa pinsan para umigib ng tubig sa lugar dahil kampante naman aniya ito na walang mangyayaring masama sa dalawa ngunit nakabalik na ang mga pinsan pero hindi na kasama ng dalawa hanggang sa natagpuan na lamang na wala ng buhay sa ilalim na bahagi ng sapa.