NAGA CITY- Nasamsam ang nasa P1.7 milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu sa dalawang bigtime drug personalities sa Greenfield St. Zone 5B, Barangay Penafrancia, Naga City.

Kinilala ang mga suspek na sina Jonathan Fabi, 32-anyos at Herber Endaya, kapwa residente ng naturang lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMS Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na nagawang mabili ng nagpanggap na poseur buyer sa mga suspek ang dalawang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P150,000.

Maliban sa nabiling mga drug items, nakumpiska pa kina Fabia at Endaya ang tig-isa pang knot tied ice plastic bag ng pinaniniwalaang shabu laman ang tig-100 gramos na parehong nagkakahalaga ng P680,000.

Sa kabuuan, umabot sa 250 gramos ang mga nakumpiskang pinagbabawal na gamot sa mga suspek.

Ayon pa kay Bongon, posibleng gumagamit at nagsusupply din ang mga suspek ng pinaniniwalaang shabu sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ng Camarines Sur.

Mababatid na aabot naman sa P1,000,000 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam rin ng mga awtoridad sa bayan ng Camaligan, CamSur noong Oktubre 23, 2021.

Samantala, posibleng hindi na makapagpiyansa ang mga naarestong suspek para sa pansamatala nitong kalayaan.