Limang katao, kabilang ang dalawang Chinese national na umano’y nagpopondo sa operasyon, ang naaresto sa isinagawang raid laban sa illegal mining sa Rosario, Agusan del Sur.
Ayon sa pulisya, nahuli sa operasyon sa Purok 8 Blocking, Barangay Wasian noong Marso 3 ang dalawang Chinese national na kinilalang sina alyas “Chen,” 50, at alyas “Ty,” 55.
Kasama ring naaresto ang tatlong lokal na indibidwal na sina alyas “Boy,” 36, isang laborer; alyas “Jean,” 36, backhoe operator; at alyas “Jenny,” 41, residente ng lugar.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang kagamitan sa pagmimina na tinatayang nagkakahalaga ng higit P6.1 milyon, kabilang ang excavator, generator set na may water pump, at iba pang mining paraphernalia.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Police Regional Office 13, Rosario Municipal Police Station, at City Environment and Natural Resources Office (CENRO)–Bunawan.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 (Republic Act 7942) ang mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Prosperidad, Agusan del Sur.









