NAGA CITY-Arestado ang dalawang drug suspect pagkatapos na makunan ng nasa ₱136,000 na halaga ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Sagop, Buluang, Baao, Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Boyc at alyas Vin, 28-anyos, parehong residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nasamsam sa mga suspek ang pitong plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu, kasama na ang buy-bust item, at isang ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.

Kinakalkulang may bigat na 20 grams ang mga nakumpiskang pinaniniwalaang ilegal na droga, at nagkakahalaga ng ₱136,000. Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.