NAGA CITY – Naiuwi ng mga mag-aaral mula sa bayan ng Goa, Camarines Sur ang Championship at gold medal para sa isinagawang Hongkong International Math Olympiad (HKIMO) na isinagawa sa Hongkong, China noong Agosto 26, 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jhonna Marie S. Delos Santos, coach ng Hongkong International Math Olympiad, sinabi nito na labis na kasiyahan ang naramdaman ng mga ito dahil hindi umano nila inaasahan na maiuuwi ng kanilang mga estudyante na sina Jake Eadan Iglesia, Grade 6 at Liam Andre Delos Santos, Grade 5 pupil ang nasabing mga awards.

Aniya, sa bawat laban kasi ng mga ito sa International Competition ay nagsisilbi ito bilang bagong karanasan na makakatulong sa kanilang susunod na plano sa hinaharap.

Kaugnay pa nito, palagi ring ipinapayo ng mga ito sa kanilang mga estudyante na huwag kalimutan na mag-enjoy at huwag rin mapressure upang walang maramdamang burden ang mga ito.

Samantala, ayon naman kay Archiles Iglesia, ama ni Jake na bago ang competition nagkakaroon na ng competition-like na pagsasanay ang mga ito upang matiyak na makagawian na ng mga ito ang sistema ng olimpyada.

Ito rin umano ang pinakaunang international competition na nasalihan ni Jake kung kaya ganun na lamang ang pagkabigla at kasiyahan na naramdaman nito nang tawagin ang kaniyang anak bilang gold medalist.

Ayon naman kay Jake, ang tanging nasa isip nito ay maabot ang kaniyang goal na manalo kung kaya talagang puspusan ang ginawa nitong paghahanda.

Target naman nito sa ngayon na manalo kung hindi man maabot ang gold medal ay makapasok sa Top 3 sa Philippine International Math Olympiad.

Sa kabilang banda, ang Hongkong International Mathematical Olympiad ay binuo ng dating Mathematical Olympiad Team na si team Leader Mr Wong Tin Chun.

Layunin naman ng nasabing patimpalak ang mai-promote ang Mathematical Olympiad sa buong mundo.

Sa ngayon dahil sa malaking karangalan na naibigay nina Liam at Jake muli na namang napatunayan ng Goa Central School students na kaya ng mga itong maging matagumpay sa anumang International Competitions.