NAGA CITY- Patay ang dalawang indibidwal matapos na pagbabarilin sa Brgy. San Jose, San Antonio, Quezon.
Kinilala ang mga biktima na sila Jay R Burgos Matanguihan, 30-anyos, at Mark Johndel Aguila Robles, 22-anyos, kapwa residente ng nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang nag-iinuman ang mga biktima at ang mga kaibigan ng mga ito sa loob ng isang meat nang dumating ang suspek na kinilalang si Alyas Ikong sakay sa isang motorsiklo at mayroon umanong hinahanap na indibidwal.
Sa hindi malaman na rason, bigla na lang nitong nilapitan ang mga biktima at sinabihan ito na mayroon itong problema at huwag makisali ang mga ito. Dito rin, bumunot ang suspek ng isang short firearm at pinagbabaril ang mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na agad rin dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara rin dead on arrival ng mga doktor.
Samantala, agad ring tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Tiaong, Quezon matapos na isagawa ang naturang krimen dala ang armas na ginamit nito.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang paghahanap ng mga otoridad sa posibleng kinalalagyan ng nasabing suspek.