NAGA CITY – Natapos na ang ilang dekadang paghihintay ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa iba’t-ibang bahagi ng Bicol Region matapos na matanggap na ng mga ito ang titulo ng kanilang lupa sa isinagawang turn over ceremony nito kaninang umaga, Hunyo 6, 2024 sa Pili, Camarines Sur.
Sa mensahe ni Presidente Ferdinand Marcos Jr nagpaabot ito ng pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga Bikolano sa kaniyang ikatlong beses na pagbisita sa lalawigan.
Nabenipisyohan ng nasabing programa ang nasa 2000 na mga benipisyaryo mula sa iba’t-ibang bahagi ng Bicol Region.
Binigyang diin rin ng opisyal na sa bisa ng Republic Act 11953 na kaniyang nilagdaan hindi na kinakailangan ng mga ARBs na magbayad ng taunang amortisasyon sa mga lupa na kanilang natanggap mula sa pamahalaan.
Kasabay ng distribution ng titulo sa mga ARBs ang pagturn over rin ng iba’t-ibang mga infrastructure project sa mga alkalde ng iba’t-ibang bayan sa Camarines Sur maging ang pagbabahagi rin ng tulong sa mga magsasakat at mangingisda na naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Maliban pa dito, ibinahagi rin ng presidente ang mga proyekto na nakatakdang isagawa sa lalawigan katulad na lamang ng Camarines Sur Expressway, Pasacao-Balatan Tourism Coastal Road at ang sisimulan ng New Naga Airport Development project na makakatulong para sa mas mabilis na transportasyon at mas malagong ekonomiya.
Sa ngayon, magpapatuloy-tuloy pa ang mga programa na dadalhin ng national government hindi lamang sa lalawigan ng Camarines Sur kung hindi sa Bicol Region na makakatulong sa mga mamamayan nito.