NAGA CITY- Dalawang Korona ang naiuwi ng isang Bicolana na si Jeanette Reyes, mula Pasacao, Camarines Sur matapos ang kanyang pagsabak sa 26th Miss Tourism International 2023 na ginanap sa Sabah Malaysia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Elfa Reyes, ang tiyahin ni Jeanette, sinabi nito na naiuwi ng kanyang pamangkin ang Miss International Metropolitan Tourism 2023 at Miss Southeast Asia Tourism Ambassadress sa katatapos palang na kompetisyon na nagpapatunay lamang umano na kayang makipagsabayan ng mga Pilipina sa kahit anong kompetisyon.
Kaugnay nito, ayon kay Reyes, nagsimulang sumali sa pageant si Jeanette noong 2019 sa Batangas bilang isang Miss A at nasundan noong 2022 bilang Miss Bicolandia 2nd runner up at kinoronahan naman ito bilang Mutya ng Pilipinas 2022 at nito nga lang Nobyembre 25, 2023 ay nasungkit ng dalaga ang dalawang korona na Miss International Metropolitan Tourism 2023 at Miss Southeast Asia Tourism Ambassadress.
Lumaki man umano na mahiyain si Jeanette, nagawa pa rin nitong yakapin at i-enjoy ang pagsali nito sa mga beauty pageant lalo na ang pagre-presenta sa Pilipinas.
Samantala, dagdag pa ni Reyes, buong pusong suporta ang ipinabaon naman nila kay Jeanette sa pagsali nito sa Miss Tourism International 2023.
Kahit bigo man na maiuwi ng pambato ng Pilipinas ang korona bilang Miss Tourism International, labis naman ang kasiyahan at sobrang proud ang naramdaman ng buong angkan ni Jeanette at maging ang buong lalawigan ng Camarines Sur dahil dalawang korona naman ang naiuwi nito para sa bansa.
Sa ngayon, patuloy na naniniwala ang buong pamilya ni Jeanette na malayo pa ang mararating nito kaya patuloy rin aniya nilang susuportahan ang kandidata.