NAGA CITY – Sugatan ang dalawang linemen matapos mabagsakan ng poste ng kuryente sa Calabanga, Camarines Sur.
Kinilala naman ang mga biktima na sina Ricky at Bernie.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMAJ Jonnel Averilla, Chief of Police ng Calabanga Municipal Police Station, napag-alaman na habang nagkakabit ng transformer ang mga biktima sa merkado publiko ng bumigay ang nasabing poste.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad pinapaniwalaang ang hindi maayos na pagkakatayo ng poste ang naging dahilan para bumagsak ang poste.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang isinugod sa ospital kung saan nagpapagaling ang mga ito.
Dagdag pa ni Averilla, nabatid din na tatlong transformer ang kinakabit ng mga biktima sa nasabing poste ng mangyari ang insidente.
Sa ngayon, hinihingi na lamang ni Averilla sa mga electric cooperative na siguruhing maayos ang pagkakatayo ng mga poste ng kuryente para hindi malagay sa alanganin ang buhay ng kanilang mga manggagawa.