NAGA CITY – Binabantayan ngayon ng Department of Agriculture-Bicol ang dalawang kaso ng African Swine Fever (ASF) na naitala sa Rehiyong Bikol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lovella Guarin, spokesperson ng Department of Agriculture-Bicol, ang mga ito umano ay mula sa Bula, Camarines Sur, na naghihintay pa ng 90 araw upang maibalik sa pink zone, at sa Tiwi, Albay, na katatapos pa lamang ng isinagawang depopulation.

Aniya nagsimula ang depopulation sa lugar noong Mayo 7 at nagtapos noong Mayo 12.

Sa kasalukuyan, mayroong 72 na hog raisers ang apektado sa tatlong barangay ng Tiwi kung saan aabot sa 330 na mga baboy ang isinailalim sa depopulation.

Ito’y matapos na isagawa ang nasabing aktibidad sa loob ng 500 meter radius mula sa infected area.

Nag-submit na rin ang lokal na pamahalaan ng Tiwa sa kanilang departamento ng blood samples mula sa mga pinaghihinalaang mayroong kaso ng sakit, at nalaman na ng kanilang Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory na mayroong nagpositibo sa mga ito.

Agad naman na nagpadala ng sulat ang Direktor ng ahensya sa alkalde ng Tiwi para sa immediate depopulation ng lahat ng baboy sa loob ng 500 meter radius at nagsagawa ng cleaning at disinfection sa lahat ng mga babuyan sa lugar.

Pinahigpit naman ang mga checkpoint sa bahaging nag-uugnay sa Tiwi at Camarines Sur upang hindi na makapasok pa sa lalawigan ang posibleng carrier ng sakit na magmumula sa Tiwi.

Dagdag pa ni Guarin pag nagkakapagtala ng kaso ng ASF sa isang bayan, agad itong idenideklarang red zone at hindi na ito maaaring magpalabas ng baboy o karne nito sa mga kalapit nitong bayan o kahit saang lugar.

Protocol rin umano ng kanilang departamento na pag mayroong nagpositibong baboy sa ASF sa isang lugar, maging ang mga katabing lugar nito ay kinukunan na rin ng sample at sumasailalim sa surveillance upang maiwasan ang tuluyan nitong pagkalat sa iba pang mga lugar.