NAGA CITY – Patay ang dalawang menor de edad habang sugatan naman ang isa pa matapos tamaan ng kidlat sa Tinambac, Camarines Sur kahapon, Mayo 24, 2023.

Ayon kay PMaj. Michael Vincent Fortunado, Officer-in-Charge ng Tinambac Municipal Police Station, nangyari umano ang insidente dakong alas-2 ng hapon sa Sitio Gogon Barangay Lupi habang nagtatanim ng mais ang magpipinsan.

Aniya, hindi na nakaabot pa ng buhay sa ospital ang dalawa habang ang isa naman ay sumasailalim pa rin sa gamutan.

Dagdag pa ni Fortunado, bigla umanong umulan ngunit patuloy ang tatlo sa pagtatanim hanggang sa matamaan na ang mga ito ng kidlat.

Hindi rin umano ang mga ito agad na nalapitan dahil sa lakas ng buhos ng ulan na may kasama pang kulog at kidlat.

Sa ngayon, paalala na lamang ng opisyal sa lahat na alamin ang mga paraan para makaiwas sa Thunderstorm gayundin ang pagsunod sa lahat ng mga weather advices ng Weather Bureau sa loob ng nasyon.