NAGA CITY – Patay ang dalawang menor de edad na lalaki matapos malunod sa ilog na sakop ng Brgy. BorongBorongan, Milaor Camarines Sur.
Kinilala ang mga binawian ng buhay na isang 10 taong gulang at pitong taong gulang na batang lalaki.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa Ina ng 7 taong gulang, sinabi nitong galing ito sa meeting ng 4Ps at nang makarating sa kanilang bahay, inakay muna nito ang anak ng kaniyang pamangkin at hindi nagtagal, napagtanto nitong nawawala ang kaniyang anak kung kaya agad niya itong hinanap.
Ngunit sa kalagitnaan ng paghahanap nito sa anak ay mayroon umanong nagbalita sa kaniya na mayroong bata na nalulunod sa ilog.
Inamin naman ng ina na gala ang bata at kasama aniya nito ang isa pang bata na anak naman ng kanilang kapitbahay. Agad naman sana itong humingi ng tulong at nagtanong sa ama ng 10-anyos na bata ngunit nagalit lamang ang ama nito.
Samantala, nilinaw naman ng ina na bibihira lamang na magtungo ang kanyang anak sa ilog dahil na rin sa takot.
Hinala aniya nito na nayaya lamang ang kaniya anak kaya ito napadpad sa lugar.
Samantala, agad naman umanong rumesponde ang ga barangay officials para agapan ang dalawang bata.
Una na umanong nakuha ang katawan ng 10 yrs old na agad namang dinala sa pagamutan ngunit ideklara ring dead on arrival ng mga doktor, habang bandang alas-2:14 naman ng hapon ng matagpuan na rin ang wala ng buhay na katawan ng pitong taong gulang na bata, ayon na rin sa kapitan ng nasabing barangay.
Aniya, magkakaibigan ang mga biktima at plano sanang maligo sa ilog ng mangyari ang nasabing insidente.
Sa ngayon, panawagan na lamang kapitan sa mga magulang na batayan ng maigi ang kanilang mga anak dahil kahit aniya naglagay na sila ng mga riprap sa ilog, hindi parin maiwasan ang kakulitan ng mga bata.