NAGA CITY – Sumuko na sa tropa ng pamahalaan ang dalawang miyembro ng rebeldeng grupo sa lalawigan ng Camarines Sur.
Kinilala ang mga sumuko sa alyas na “Ka Danny” 48-anyos, at “Ka Shiela”, 50-anyos.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na kapwa regular na miyembro ng NPA ang nasabing sumuko na nag-ooperate sa Libmanan at mga kalapit na bayan sa nasabing lalawigan.
Kaugnay nito, kasamang itinurn-over ng mga ito ang isang kalibre .45 na baril; sarong kalibre .38; sampong bala para sa kalibre .45 na baril; siyam na pirasong bala ng kalibre .38; dalawang piraso ng granada at iba pang mga personal na kagamitan.
Samantala, sumuko umano ang mga ito dahil sa kagustuhan na makasama ang kanilang mga pamilya.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Camarines Sur 1st Provincial Mobile Force Company ang mga ito, habang hinahanda naman ang mga dokumento para sa matatanggap ng mga ito na benipisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng pamahalaan.