NAGA CITY- Sugatan ang dalawang motorcycle driver matapos na magkasalpukan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway Zone-4, Barangay San Gabriel, Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang mga sugatan na sina Franco Ombao, 30-anyos residente ng Zone-5 Barangay Del Rosario sa nasabing bayan at Sanie Recto, 50-anyos, residente ng Libmanan, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang tinatahak ni Ombao ang nasabing daanan sakay sa kanyang motorsiklo ng mabangga ito ng isa pang motorsiklo na minamaneho naman ni Recto habang angkas nito si Numeriano Montañez, 43-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang dalawang driver habang maswerte naman na hindi nagtamo ng sugat ang angkas na sI Montañez.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insedente.