Dalawang katao ang nasawi habang tatlo ang nasugatan matapos bumagsak ang isang helicopter malapit sa residential area sa Pililla, Rizal nitong Martes ng umaga, ayon kay Pililla Mayor John Masinsin.
Kinumpirma ng alkalde na isa sa mga biktima ang agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente, habang ang isa pa ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
Ang piloto ng helicopter ay nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang inihahanda para ilipat sa mas malaking ospital. Samantala, ang dalawa pang nakaligtas ay nasa relatibong matatag na kalagayan at patuloy na ginagamot. Nakikipag-ugnayan na rin umano ang lokal na pamahalaan sa mga pamilya ng mga biktima.
Ayon sa mga awtoridad, walang bahay ang nadamay sa pagbagsak ng helicopter na naganap malapit sa isang residential area sa Pililla.
Kinumpirma rin ng pulisya na pawang mga sibilyan ang sakay ng aircraft, kabilang ang dalawang dayuhan. Lisensyado umano ang piloto.
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung saan nagmula at patungo ang helicopter, gayundin ang posibleng sanhi ng aksidente. Ayon sa alkalde, hindi pa makuhanan ng pahayag ang mga nakaligtas dahil nasa shock pa ang mga ito at inuuna ang kanilang paggaling.










