NAGA CITY – Patay ang dalawang miyembro ng New Peoples Army matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng 4th Infantry Battalion at mga rebeldeng grupo sa Sitio Ibok, Barangay Manoot, Tanay Rizal.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Public Affairs Office, 2nd Infantry Division ng Philippine Army, napag-alaman na habang naglalagay ng mga EIDs ang mga rebeldeng grupo ng malaman ng tropa ng gobyerno ang presensiya ng mga ito sa nasabing lugar.
Dito naman nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng dalawang kampo na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang NPA member.
Kaugnay nito, narekober sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang dalawang kalibre 38 na revolver; limang ammunition cartridge ng kalibre 38; dalawang improvised explosive devices; mga subersibong dokumentos at iba pang personal na kagamitan ng mga rebeldeng grupo.
Maaalala, na noong Nobyembre 23, 2021 ng may maka-engkwentro rin ang tropa ng gobyerno habang nagkakaroon ng IP Peace Summit sa lugar.
Ito’y matapos naman na ireport ng mga katutubo ang presensya ng mga NPA sa lugar.