NAGA CITY- Kasabay ng pangamba ng publiko sa kumakalat na sakit na coronavirus disease (COVID-19), muli ring nadagdagan ang mga lugar sa Naga City na nagpositibo sa African Swine Fever(ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Junius Elad, City Veterinarian sa lungsod ng Naga, kinumpirma nitong nagpositibo sa ASF ang sample na kinuha sa mga baboy mula sa mga Barangay ng Del Rosario at Zone 3, Pacol na una nang ipinadala sa Department of Agriculture (DA) para sa eksaminasyon.
Ayon kay Elad, 166 na mga baboy ang inaasahang ipasailalim sa culling operation sa Zone 5 ng Barangay Del Rosario habang 106 naman sa Zone 3 Barangay Pacol .
Aniya, bago pa man lumabas ang resulta ng eksaminasyon, sinimulan na nilang maghanda at kinuha na rin ang bilang ng hog population sa apektadong mga lugar na sakop ng 1km radius zone.
Samantala, dahil halos malapit lamang ang Naga City Abattoir sa Del Rosario, kung kaya nakadepende aniya ang pagbubukas nito sa bilis ng swine depopulation na gagawin sa lugar.
Kung maaalala, humigit kumulang sa 1,000 na mga baboy na ang unang ipinasailalim sa culling operation mula sa tatlong ground zero na naitala sa mga barangay ng Pacol at Cararayan.
Kasalukuyan namang nasa ilalim ng state of calamity ang naturang lungsod.