NAGA CITY – Dalawa ang patay, habang isa pa ang sugatan matapos ang aksidente sa kalsada sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Rebernard, 33, residente ng Brgy. San Isidro Norte Lagonoy; at Nelson, 55, residente rin ng Brgy. Zone 3, Maria Station. Kinilala rin ang mga nasugatan na si Roberto, 33, residente ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay kay PSMS. Adrian Lirag, Assistant PIO ng Lagonoy MPS, sinabi nito na habang binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng Brgy Agosais, patungong Brgy. Genorangan sa naturang baya, gamit ang motorsiklo na minamaneho ni Rebernard, sakay ang dalawa, ay nawalan ito ng kontrol at tuloyang nahulog sa kanang bahagi.
Ayon kay Lirag, mabilis ang pagmamaneho ng driver ng motorsiklo na nagresulta sa insidente.
Dahil dito, nagtamo ng sugat iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima.
Isinugod sina Rebernard at Nelson sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara silang dead on arrival ng mga doktor. Nagpapagaling na rin sa ospital ang isa pang backrider na si Roberto.
Samantala, muling pinaalalahanan ng opisyal sa mga motorista na maging aral ang nasabing insidente upang hindi malagay sa panganib ang kanilang buhay.