NAGA CITY- Patay ang dalawa katao habang sugatan naman ang isa pa sa salpukan ng pick-up at motorsiklo sa Purok-6, Narangay San Felipe, Basud, Camarines Norte.

Kinilala ang mga biktima na si Jan Blue Jay Hillera, ang angkas nito na si Francisco Derez, 71-anyos at si Alberto Albao, 39- anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang tinatahak ng pick-up na minamaneho ni Albao sakay ang isang Jay Navarro, 22-anyos, ang kahabaan ng Maharlika Highway galing sa Barangay Tuaca papunta sa sentro ng nasabing munisipalidad nang aksidente nitong nasalpok ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho naman ni Hillera angkas si Derez.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na naukupa ng pick-up ang linya ng kalsada na tinatahak ng motorsiklo na kasalubong nito.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang na dinala sa ospital ngunit ideniklara nang dead on arrival ng mga doktor sila Hillera at Derez.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad si Albao habang nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.