NAGA CITY- Patay ang dalawa katao matapos masalpukan ng bus sa Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Jacobo Magdamit, 65-anyos at Alias Tess Perida, 40-anyos kapwa residente ng Sitio Mataas na Bato, Barangay Rizal sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang tinatahak ng bus na minameno ni Michael Barero, 49-anyos ang kalsada papuntang Maynila nang bigla na lamang umanong patakbong tumawid ang mga biktima na naging dahilan upang mabangga ang mga ito.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa kanilang mga katawan sina Magdamit at Perida na nagresulta ng agarang pagkamatay ng dalawa.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.