NAGA CITY – Patay ang dalawang indibidwal matapos na mahit-and-run ng isang sasakyan sa Barangay Lumingon, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Jeffrey Manalo, 31-anyos at Gina Henobe, 39-anyos, residente ng nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang minamaneho ni Manalo ang motorisklo nito habang angkas si Henobe nang bigla na lamang itong masagi ng hindi pa malamang klase ng sasakyan.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na naging dahilan nang agarang pagkamatay ng mga ito.

Samantala, agad naman na tumakas ang nakabangga sa mga ito matapos ang nasabing insidente.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente maging ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng nasabing suspek para sa karampatang disposisyon.