NAGA CITY- Patay ang isang dalagita at binata sa magkahiwalay na insidente ng pananaga sa lalawigan ng Camarines Sur.
Una rito, sa Barangay San Pedro sa Iriga City, patay ang 15-anyos na dalagita, matapos pagtatagain ng hindi pa nakikilalang suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Joey Cleofe, alas-10 ng umaga ng Hunyo 24, nang maiulat na nawawala ang dalagita na inutusan lamang sana na maghanap ng lulutuing gulay ngunit kinaumagahan na nang matagpuan sa maisan na wala ng buhay ang biktima.
Aniya, tinitingnan pa ng mga awtoridad kung biktima ng panggagahasa ang dalagita gayundin ang pagtunton sa salarin sa krimen.
Samantala, sa Barangay Lamon sa bayan ng Goa, patay naman ang isang binata matapos pagtatagain ng sariling ama.
Ayon kay PMaj. Rodolfo Borromeo, ang hepe ng Goa Municipal Police Station, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek na si William Alemania Dasig, 55-anyos at ang anak nito na si Wilson Alemania Aboque, 28-anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing may hawak umanong itak ang anak ng suspek at nagbanta pa na papatayin ang mga magulang nito.
Ngunit hindi na umano nakapagtimpi ang ama kung kaya pinagtataga nito sa dibdib ang anak dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Nabatid na sa tuwing pinagsasabihan ang biktima, nagagalit ito at pinagmumura ang mga magulang at mga kapatid nito.
Sa ngayon, labis naman umano ang pagtatangis ng ama ng binata na boluntaryo namang sumuko sa mga awtoridad matapos ang naturang insidente.