Naaresto umano sa Dubai ang dalawang Pilipino matapos umanong mag-record at magbahagi ng mga video kaugnay ng mga kamakailang pag-atake sa United Arab Emirates (UAE), ayon sa mga ulat.
Iniimbestigahan na ng Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi at ng Philippine Consulate General sa Dubai ang insidente at humingi na ng opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ng UAE tungkol sa pagkakakilanlan, kalagayan, at legal na sitwasyon ng dalawang Pilipinong sangkot.
Sa pahayag ng embahada, sinabi nitong iginagalang ng Pilipinas ang soberanya ng UAE at ang pagpapatupad nito ng mga batas na may kaugnayan sa national security, cybercrime, at public order.
Nauna nang nagpaalala ang mga awtoridad sa UAE na ang pagbabahagi ng mali o hindi beripikadong impormasyon tungkol sa seguridad ng bansa—kabilang ang mga video ng air defense interceptions, pag-atake sa mga landmark, at maging AI-generated na video—ay maaaring ituring na krimen na may katapat na pagkakakulong at mabigat na multa.
Dahil dito, nanawagan ang mga diplomatikong opisyal sa mga Pilipino sa UAE na maging maingat sa kanilang mga aktibidad sa internet. Pinayuhan din ang komunidad na umiwas sa pagkuha at pag-post ng mga video o pagkomento sa mga hindi kumpirmadong usapin sa seguridad at sa halip ay umasa lamang sa mga opisyal na pahayag ng pamahalaan ng UAE.
Batay sa mga ulat, kabilang ang dalawang Pilipino sa 25 katao na umano’y naaresto dahil sa pagbabahagi ng mga video kaugnay ng mga pag-atake. Kabilang din sa mga nadakip ang ilang dayuhan mula sa India, Pakistan, at Bangladesh.












