NAGA CITY-Sugatan ang dalawang tauhan ng Philippine National Police matapos na mauwi sa palitan nang putok ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Lucena City.

Kinilala ang mga biktima na sila PSSgt. Arnel Dino Buemia at PSSgt Donald Cendino Bulaklak, naka-assign sa Philippine Drug Enforcement Unit ng Quezon Police Provincial Office.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagsasagawa nang drug buy-bust operation ang mga awtoridad ng magpaputok nang baril ang suspek na si Gerald Marino Diadesma, 33-anyos, residente ng Purok Atis, Brgy. Mayao Crossing sa nasabing lungsod.

Sa nakuhang impormasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa engkwentro, nagtamo nang tama ng bala nang baril ang biktima na agad naman na isinugod sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang kaparusahan.