Naipit ang tinatayang 20,000 seafarers at 15,000 pasahero ng cruise ships sa Gulf matapos lumala ang digmaan sa Middle East na nagdulot ng panganib sa isa sa pinakamahalagang rutang pandagat ng enerhiya sa mundo.

Ayon sa International Maritime Organization (IMO), hindi makabiyahe ang daan-daang barko matapos halos tuluyang isara ng Strait of Hormuz, isang pangunahing daanan ng mga oil tanker at barkong pangkalakal sa pagitan ng Iran at ng Gulf of Oman

Sinabi ni IMO Secretary-General Arsenio Dominguez na handa ang organisasyon na makipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga seafarer na naapektuhan ng sigalot.

Batay sa tala ng IMO, may pitong insidente na ng pag-atake o panganib na kinasangkutan ng mga barko sa rehiyon mula nang sumiklab ang digmaan nitong Sabado. Dalawang katao na ang nasawi habang pito naman ang nasugatan.

Advertisement

Dahil sa tumitinding tensyon, idineklara ng mga organisasyon sa maritime sector ang Strait of Hormuz, Gulf of Oman at ang Persian Gulf bilang “warlike operations area,” na nagbibigay ng karagdagang proteksiyon at benepisyo sa mga seafarer na nag-ooperate sa naturang lugar.

Ayon sa International Transport Workers’ Federation, daan-daang barko ang kasalukuyang stranded sa Gulf matapos ihinto ang pagdaan sa Strait of Hormuz, na nagpapakita ng lawak ng panganib at pagkaantala sa pandaigdigang kalakalan.

Samantala, inanunsyo ng Danish shipping giant na Maersk na pansamantala nitong sinuspinde ang mga booking sa Gulf dahil sa lumalalang banta sa seguridad ng mga barko at tripulante.

Sinabi rin ng ITF na bagaman maaaring humiling ang mga seafarer na umuwi at ma-repatriate, hindi ito agad naisasagawa dahil kinakailangan pa ring manatili ang sapat na bilang ng tripulante upang mapatakbo nang ligtas ang mga barko.

Nagkaroon din ng epekto ang tensyon sa pandaigdigang merkado ng langis. Umakyat ang presyo ng US benchmark oil matapos ipahayag ni Donald Trump na handa ang US Navy na mag-escort ng mga oil tanker sa rehiyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya.

Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa mundo kung saan dumadaan ang halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng crude oil at malaking bahagi ng liquefied natural gas.

Advertisement