NAGA CITY – Pormal nang nagpahayag ng kanilang pagtakbo para sa 2022 elections ang mag-aamang Villafuerte sa lalawigan ng Camarines Sur.
Mababatid, kahapon Oktubre 6, 2021 nang magfile ng kaniyang Certificate of Candidacy si Camarines Sur Governor Miguel Luis “Migz” Villafuerte para sa pagtakbo nito sa pagka-congressman ng Rinconada area o ang 5th District ng Camarines Sur kasama ang ama nitong si 2nd District Representative Congressman Luis Raymund “L-Ray” Villafuerte at ang kapatid na si Luigi Villafuerte.
Sa naging pagharap ng gobernador sa mga kagawad ng media, kampante ito sa kaniyang naging paninilbihan bilang gobernador ng lalawigan para muling pagkatiwalaan ng publiko.
Aniya, “the best is yet to come” lalo na para sa mga residente ng 5th district ng lalawigan.
Samantala, nakatakda ring mag-file ngayong araw ng kanilang CoC si Luigi para sa pagka-gobernador sa nasabing lalawigan habang si Cong. Lray naman ay para pa rin sa pagtakbo nito sa pagka-kongresista.
Kung maaalala, una nang nagpasa ng kanilang CoC sina CamSur 3rd District Rep. Cong. Gabby Bordado kung saan makakatapat nito ang aspirant Congressman na si Atty. Joel Cadiz habang si 4th District Rep. Cong. Arnie Fuentebella naman ay makakalaban ang komedyante at TV host na si Anjo Yllana.
Maliban kay Migz, nagfile na rin kahapon ng kanilang Certificate of Candidacy bilang aspirant Board members ang magkatandem na sina Awel Llaguno bilang re-electionist at Eugene Fuentebella para sa 4th District, sa 3rd district naman ay si Vanessa Senar habang sa 1st district ng lalawigan ay si incumbent Board Member Trixie Clemente-Maquiling.
Sa kabila nito, nakatakda ring magbigay ng kaniyang anunsyo mamayang alas-11 ng tanghali si Vice President Leni Robredo para sa posibleng pagtakbo nito sa pagka-Pangulo ng bansa para sa 2022 Elections.