NAGA CITY – Nasa 250 pedicab driver ang nakinabang sa Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS) sa bayan ng Camaligan, Camarines Sur.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Mayor Diano Ibartaloza Jr ng LGU Camaligan, sinabi nito na prayoridad ng nasabing programa ang pagbibigay ng pondo sa 250 pedicab drivers ng bayan.
Nakita daw nito ang malaking sakripisyo ng mga pedicab drivers at ang kahirapan na kanilang nararanasan araw-araw.
Naniniwala rin si Ibartaloza na malaking tulong ang halagang P2,000 para makatulong sa kanilang pang-araw araw na buhay.
Umaasa rin ang alkalde na magkakaroon ng pangalawang batch ng naturang tulong para sa parapadyak dahil mayroon pa ring mga hindi nakatanggap nito. Ito ay dahil limitado lamang ang badyet na inilaan para dito.
Sa ngayon, hinimok ng alkalde ang publiko na gamitin ng maayos ang natanggap na tulong pinansyal.
Sa kabilang banda, nanghinayang naman si Ricardo Zamudio, isang pedicab driver, sa nangyari sa kanya dahil hindi nito makukuha ang nasabing financial assistance.
Ito ay dahil maling pangalan umano ang nailista ng lider ng kanilang asosasyon.
Ayon kay Zamudio, ilan pang indibidwal ang hindi nakatanggap ng tulong dahil sa mga katulad na insidente.