Nagpositibo ang tatlong baboy sa Sitio San Rafael, Cararayan sa African Swine Fever
Ayon kay City Veterinarian, Dr. Marilee Lingua, nakumpirma nila ito sa isinagawang test sa nasabing mga baboy.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Dr. Marilee na nagpalabas na nang kautusan upang ipapapatay ang tatlong baboy upang hindi na makahawa pa ng iba.
Maaalala, mahigpit naman na minomonitor ng City Veterinary Office at ng City Abattoir ang mga baboy na inaalagaan at kinakatay upang masiguro na ligtas ang mga Nagueño sa karne ng baboy na kanilang ikokonsumo at upang mapigilan ang nasabing sakit.
Ayon kay DA Bicol Agriculture Center Chief Florentino Ubalde, Jr., nananatiling aktibo sa kaso ng ASF ang mga probinsya ng Camarines Sur, Sorsogon, Masbate at Catanduanes.
Kinumpirma ni Ubalde Jr. na nailagay sa red zone o infected zone ang mga bayan ng Ragay, Minalabac, Naga City, Calabanga, Ocampo, Pili, Presentacion, Sangay, Tigaon, Iriga City, Baao, Bula at Nabua sa probinsya ng Camarines Sur.
Mayroon kaso rin ng ASF sa mga bayan ng Claveria, San Pascual, Balud, Mandaon at Dimasalang sa Masbate.
Gayundin ang Pilar at Sorsogon City at mga bayan ng Caramoran at Virac sa Catanduanes. Habang may isang bayan rin sa Camarines Norte ang positibo sa ASF.
Maaalala, inamin ng Department of Agriculture (DA) na mabagal nga ang pagbabakuna ng mga baboy kontra African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Swine and Poultry Dante Palabrica, wala pa sa 5% mula sa inilaang bilang ng bakuna ang nagagamit.
Sa ngayon, patuloy ang pagmonitor ng DA-Bicol sa mga lugar kung saan mayroon paring kaso ng ASF upang hindi na maglala ang sitwasyon.