NAGA CITY- Patay ang tatlong constructions workers habang sugatan naman ang dalawa pa matapos makuryente sa kanilang pinagtatrabahuhan sa Queborac, Bagumbayan Sur, Naga City.
Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Juanito Dio, 40-anyos; John Robert Alonsabe 30-anyos; Amador Vergara, 27-anyos habang kinilala naman ang mga nasugatan na sina Jose Empleyo, 36-anyos; Antonio Avila 24-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pin Camba, Barangay Captain ng Bagumbayan Sur, sinabi nito na habang itinatayo ng nasabing mga biktima ang poste ng street light nang bahagya itong natumba at dumikit ang poste sa live wire.
Napag-alaman pa na nakayakap sa nasabing poste na para sana sa solar light ang tatlo sa mga biktima kasama ang foreman habang nadamay naman ang dalawang iba pa.
Ayon pa kay Camba, patapos na sana ang drainage kung kaya solar lights nalang ang ikinakabit ng mangyari ang insidente.
Kaugnay nito, maswerte naman na dumaan sa lugar ang emergency patrol ng Pobinsiya kaya naman kaagad na nadala sa pinakamalapit na ospital ang lima para sa asistensiya medikal.
Una na dito, napaulat na nasa kritikal na kondisyon ang lagay ng tatlong construction workers.
Sa ngayon, nakalabas na sa ospital ang isa sa mga sugatan na biktima habang patuloy naman na ginagamot ang isa pa.
Kaugnay nito, nagpa-alala naman ang Barangay Captain sa mga manggagawa na palaging sumunod sa mga safety measures sa mga pinagtatrabahuhan na lugar upang makaiwas sa aksidente.