NAGA CITY- Sugatan ang tatlong indibidwal matapos tumagilid ang isang ambulansiya sa Brgy. Sigamot, Libmanan, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Mercedita Gonzales, 57-anyos, residente ng Brgy. F. Simeon sa nasabing bayan; Edilito Clemino; Marivic Joy Clemino, kapwa 34-anyos at residente ng Brgy. Lower Omon, Ragay, sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang binabagtas ni Niño Valenzuela, 34-anyos, residente ng Brgy. Burung-Burungan, Milaor, ang kahabaan ng kalsada sa Barangay Lower Omon para dalhin sa isang ospital sa lungsod ng Naga ang pasyenteng si Edelito gamit ang minamanehong ambulansiya na pagmamay-ari ng Provincial Government ng Camarines Sur nang makaramdam ito ng pagkahilo pagdating sa may pakurbang bahagi ng daan na naging dahilan para mawalan ito ng kontrol sa behikulo.
Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, nabatid na nagpagewang-gewang ang ambulanisya bago tuluyang tumagilid.
Kaugnay nito, nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.