NAGA CITY- Sugatan ang tatlo katao matapos na pagbabarilin sa Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Francis Gamura; Eduardo Dulay; at Jessie Marinay; residente ng Calabanga, sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormason ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang hinahanap ng mga biktima ang kanilang lambat lulan ng MB Marylyn 1 na bangka sa pangingisda, nang dumating ang mga hindi pa nakikilalang mga suspek sakay naman ng maliit na bangka.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, dito na pinagbabaril ang mga biktima nang naturang armadong mga suspek.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kanilang katawan ang mga biktima na agad naman na dinala sa ospital upang malapatan ng lunas.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa mga salarin.