NAGA CITY- Sugatan ang tatlo katao matapos ang nangyaring pamamaril sa Brgy. Mangilag Norte, Candelaria Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Arnold Estolano 19-anyos, Kien Ivan Delos Reyes 18-anyos at isang menor de edad mga residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, sinasabing habang binabaybay ng mga biktima lulan ng kanilang motorsiklo ang nasabing lugar ng aksidenteng makabanggaan nito ang kasalubong na isa pang motorsiklo na minamaneho ni Ladislao Tubo 44-anyos at isa pang angkas nito.

Kaugnay nito, nagalit umano si Tubo maging ang sakay nito dahilan para pagbabarilin nito ang tatlong biktima.

Dahil dito, nagtamo ng tama ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan na agad namang dinala sa ospital.

Sa ngayon, patuloy naman manhunt operations ng mga otoridad sa mga suspek na agad tumakas matapos ang nasabing insidente.

Samantala, narekober naman sa crime scene ang tatlong fired cartridge at isang slug ng caliber 45.