NAGA CITY – Sugatan ang tatlong indibidwal matapos na pagtulungan at pagsasaksakin sa Brgy. Ibaba Polo, Pagbilao Quezon.
Kinilala ang mga biktima na sina Vernel Gabao, 34-anyos; Vernie Gabao, 27-anyos, at Robert Gabao, 24-anyos, lahat residente sa nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ang Pagbilao Municipal Police Station ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa nasabing insidente.
Napag-alaman rin na habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang mga suspek na sina Raniel Portes, 25-anyos; Redante Portes; Jed Hilig, 20-anyos; Jun Roy Dela Cruz alyas Tisoy, 24-anyos; Jayriel Entoma, 19-anyos; Joper Maranga, 18-anyos at Ruskin Dela Cruz, 18-anyos, pawang mga residente sa lugar ng magkaroon nang mainit na diskusyon sa pagitan ng mga suspek at ng mga biktima na naging dahilan upang pagsasaksakin ng mga ito sina Vernel, Vernie at Robert.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, dahil sa nasabing pangyayari nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek maliban na lamang kay Redante na agad na nakatakas matapos isagawa ang nasabing krimen.