NAGA CITY- Pinaghahanap pa rin ang tatlong mangingisda na naitalang nawawala sa kasagsagan ni Bagyong Quinta sa lalawigan ng Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Melchor Avenilla, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Quezon, sinabi nito na nasa 6,977 ang bilang ng mga pamilyang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers sa naturang lalawigan.
Dahil dito, nakahanda na ang 14 trucks ng food packs na ipamimigay ng Provincial Government sa mga pamilyang apektado ng bagyo.
Nabatid din na ilang mga cargo vessels ang na-stranded sa lalawigan.
Samantala, tiniyak naman ng mga otoridad na nakahiwalay ang COVID-19 quarantine facilities sa mga pamilyang inilikas dahil kay bagyong Quinta.