NAGA CITY – Muli na namang nadagdagan ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Bicol Region.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Department of Health Center for Health Development – Bicol nabatid na mayroon ng kabuuang 28 kaso sa rehiyon.
Nabatid na isang 17-anyos na dalagita mula sa Naga City ang ika-26 kaso.
Nagsimula umano itong nakaramdam ng sintomas noong Abril 18 at kasalukuyang naka-admit sa Bicol Medical Center (BMC).
Sa ngayon, inaalam pa ang history of exposure ng naturang pasyente habang ito rin ang kinokonsidera bilang youngest recorded case ng COVID-19 sa Bicol.
Samantala, ang 21-anyos na babaeng nurse mula sa Legazpi City ang ika-27 na kaso at ikalawang health worker na nagpositibo sa naturang sakit.
Nagpakunsulta ito sa Albay Provincial Health Office noong Abril 19 at kasalukuyang nakaquarantine sa isang pasilidad.
Ang ika- 28 kaso naman ang kinokonsiderang pinakamatandang pasyente sa Bicol na isang 78-anyos na lalaki mula sa Guinobatan, Albay.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon dahil wala umanong travel history o exposure sa mga unang kaso ang nasabing matanda.
Ang naturang pasyente ang naka-admit sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).
Base sa data ng DOH, maliban sa tatlong bagong kaso, apat na sample ng mga naunang COVID-19 cases ang nananatiling positibo habang limang iba pa ang nagnegatibo na.
Sa 28 kaso, dalawa rito ang binawian ng buhay.