NAGA CITY- Arestado ang tatlo katao matapos ang ikinasang entrapment operation ng mga otoridad para sa kasong robbery extortion sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Kinilala ang mga suspek na sinda Isidro Delos Reyes Jr, 28-anyos; Cherrylyn Delos Reyes, 27-anyos at isang alyas ‘Ric’ na isang menor de edad, pawang mga residente ng P-2 Barangay Awitan sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), nabatid na ang nasabing operasyon ang may kaugnayan sa maglive-in partner na una nang naaresto ng mga otoridad sa kaparehong krimen kung saan kinilala ang biktima na si Genelyn Ecat, 32-anyos.
Kaugnay nito, nabatid na modus ng tatlong suspek na humingi ng perang tinatayang aabot sa P60,000 kapalit na pangakong tutulungan ang biktima na makalaya ang kapatid nito na kasalukuyang nakakulong sa BJMP para sa kasong murder.
Dagdag pa nito, hindi na rin kinakailangang sumipot sa korte ang biktima dahil tiniyak umano ng mga suspek sa biktima na sila na ang bahala sa lahat.
Sa likod nito, hindi naman magawang makapagsumbong agad sa mga awtoridad ng biktima dahil na rin sa pagbabantang sasaktan ito ng mga suspek.
Samantala, nakumpiska sa mga suspek ang P500 at 35 piraso ng pekeng pera o boodle money.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Labo MPS kasama na ang dalawa pa nitong kamag-anak na nauna nang naaresto habang hinahanda naman ang kaukulang kasong posibleng isampa laban sa mga suspek.