NAGA CITY – Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang isang 63-anyos na driver ng jeep, matapos na aksidente nitong mabangga ang tatlong propesor sa Tiaong, Quezon.
Kinilala ang mga biktima na sina Rosie Dulay, 62-anyos residente ng Brgy. Poblacion, Sampaloc sa nasabing bayan; Salvo Salvacion, 30-anyos, residente ng Adelina Subd., Brgy.Lagalag, Tiaong, Quezon; at Cheryl Bundalian, 27-anyos residente naman ng Dolores, Quezon
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Ramil Malipo, Chief, Inteligence Section ng Tiaong Municipal Police Station, sinabi nito na mula sa paaralan ang mga guro at sabay sabay na tumawid sa kalsada habang magkakasukob sa iisang payong.
Aniya, nang makarating sa inner lane ang mga biktima dito na ito aksidenteng nabangga ng minamanehong cargo jeep ni Zaldy Patulot Mosquera, 63-anyos residente naman ng Purok 1, Brgy. Soledad, San Pablo City, Laguna kung saan dahil sa lakas ng impact tumilapon pa ang dalawa sa mga ito.
Ayon naman kay Mosquera, nagulat umano ito at hindi napansin ang tatlo dahil may kadiliman sa lugar kahit na mayroong streetlight dahil na rin sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Ito rin ang naging dahilan upang lumabo ang salamin ng behikulo at ilaw sa paligid at wala naman umano ito sa ilalim ng impluwensya ng iligal na droga.
Ayon pa kay Mosquera, ang takbo ng nasabing jeep ay pumapalo lamang sa 60-80km na normal na bilis ng isang sasakyan sa national road.
Dagdag pa ng opisyal na hindi naman talaga accident prone area ang nasabing lugar.
Sa ngayon, paalala na lamang ni Malipo, sa mga motorista na magpokus sa pagdrive dahil ang aksidente ay segundo lamang lalong-lalo na ngayong tag-ulan dapat na maghinay hinay lamang sa pagmamaneho, habang sa mga tatawid naman ay siguraduhin na ligtas ang makabilang side ng kalsada bago tumawid upang maiwasan ang aksidente.