Umabot sa 31 katao ang nasawi habang 21 iba pa ang sugatan matapos masangkot sa isang matinding aksidente ang isang kotse at fuel tanker sa highway sa Al-Warraq, Egypt.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Public Prosecution ng Egypt, mabilis umano ang takbo ng kotse nang sumalpok ito sa tanker habang nagtatangkang magpalit ng linya at mag-overtake.
Dahil sa lakas ng banggaan, pumutok ang isang gulong ng tanker, dahilan upang mawalan ito ng kontrol, tumaob at bumangga sa konkretong harang sa kalsada.
Tumapon ang kargang gasolina na agad nagliyab at nagdulot ng malaking sunog. Umabot sa 27 sasakyan, kabilang ang mga kotse at motorsiklo, ang natupok ng apoy.
Samantala, arestado na ang 21-anyos na driver ng kotse na itinuturong sangkot sa aksidente. Isasailalim din ito sa pagsusuri upang matukoy kung gumamit ng ipinagbabawal na droga.
Aabot sa 39 na ambulansya ang ipinadala ng mga awtoridad upang ilipat sa mga kalapit na ospital ang mga nasugatan.
Iniutos din ang pagsasagawa ng DNA testing upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktimang hindi na makilala dahil sa matinding pagkasunog ng kanilang mga katawan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Egyptian President Abdel-Fattah el-Sisi sa mga pamilya ng mga nasawi sa trahedya.








