NAGA CITY – Muling isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang 34 bayan maging ang lungsod ng Iriga sa lalawigan ng Camarines Sur.
Kung maaalala, una ng isinailalim sa GCQ ang 31 bayan maging ang nasabing lungsod sa lalawigan noong Hunyo 16 na magtatapos sana noong nakaraang Hunyo 30.
Sa ibinabang resolusyon ng Bicol Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease, nakasaad dito na ang naturang kautusan ay dahil sa patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa lalawigan kung kaya muling isinalalim sa naturang quarantine classification ang nasabing mga lugar.
Kaugnay nito, nasa High risk ang bayan ng Lupi, Moderate Risk naman ang Iriga City, Buhi, Cabusao, Canaman, Caramoan, Del Gallego, Gainza, Libmanan, Milaor, Ocampo, Pamplona, Pili at Presentacion.
Itinuturing naman na Low Risk ang Balatan, Bato, Bombon, Bula, Calabanga, Camaligan, Garchitorena, Goa, Lagonoy, Magarao, Nabua, Pasacao, Ragay, Sagñay, San Jose, Sipocot, Siruma, Tigaon at Tinambac, habang nasa Minimal Risk naman ang bayan ng Minalabac na isinailalim lamang sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Nabatid na epektibo ang nasabing kautusan simula pa noong Hulyo 1 at magtatagal hanggang sa Hulyo 15, 2021.
Sa ngayon, pumalo na sa 18,762 ang kabuuang bilang ng naitalang kaso ng COVID-19 sa buong rehiyong Bicol.