NAGA CITY – Nakauwi na an halos karamihan sa mg residentes na nag-evacuate sa Libmanan, Camarines Sur matapos na bumaba na ang lebel ng tubig-baha sa nasabing bayan.
Ayon kay Rowel Tormes, MDRRMO Chief ng Libmanan, Camarines Sur, dahil sa malakas na pag-uulan ng mga nakaraang araw, nagsagawa sila ng force evacuation sa nasa 36 na barangay ng kanilang bayan dahil sa pagbaha.
Umabot naman sa 795 na pamilya o katumbas ng 2, 527 na mga indibidwal an naging evacuees sa nasabing bayan.
Ipinagpapasalamat naman ng opisyal na mayroong mga residentes ang nagkusang loob na lumikas na ng makitang delikado na ang sitwasyon sa kanilang lugar.
Ngunit, mayroon pa rin naman umano na mga residente na nagmamatigas na lumikas dahil sa paniniwala na hindi naman sila aabutin ng baha dahil wala naman bagyo.
Napilitan na lang umano ang mga ito na lumikas dahil sa nagpadala na ang lokal na pamahalaan ng mga tauhan ng MDRRMO at mga kapulisan upang tulungan ang mga ito na makapagsilikas.
Matapos man na maging maganda na ang panahon, agad naman na nagsiuwian ang halos kalahati sa populasyon ng mga nag-evacuate at para makapaglinis na rin sa kanilang bahay kasabay ng paghupa ng tubig-baha.
Sa ngayon, nakahanda pa din umano ang kanilang mga tauhan sa mga maaring mangyari at nakahanda na rin na magbigay ng tulong sakali man na may mangailangan ng tulong nila.
Samantla, paalala naman ng opisyal na laging magbantay sa mga nangyayari at agad na lumikas sakali na kinakailangan.