NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang apat na taong bata matapos na mag slide at mahulog pa sa tulay sa Camaligan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Johanna Marie R. Estrella, LDRRMO Assistant LGU Camaligan, sinabi nito na nagpunta sa kanilang opisina ang mga miyembro ng Coast Guard Camaligan at pamilya ng biktima upang ipa-check ang CCTV upang malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa bata.
Dito naman nakita na bumaba sa hagdan ang bata at aksidenteng nag slide dahil sa madulas na tulay at nagdire-diretso sa ilog.
Ayon pa kay Estrella, agad na nagkasa ng Search and Rescue operation ang Coast Guard Camaligan kasama ang mga tauhan ng LDRRMO-Camaligan upang hanapin ang biktima.
Sa kasamaang palad, wala nang buhay ang bata nang matagpuan ito isang kilometro ang distansya mula sa lugar kung saan ito hulin nakita.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman rin na nagtamo ng tama sa ulo ang bata dahil sa pagkakabagol at mayroon rin itong mga sugat sa sa kaniyang katawan matapos naman na tangayin ng tubig.
Sa ngayon, muling nagpaalala ang opisyal sa lahat ng mga magulang na bantayan ng maigi ang kanilang mga anak lalo na ang mga menor de edad upang maiwasan ang mga ganitong klase ng insidente.