NAGA CITY- Patay ang apat katao habang apat na iba pa ang nasa ospital matapos umanong makainom ng pinaniniwalaang tuba o coconut wine sa bayan ng Ragay, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Ruben Perico, Hepe kan Ragay-PNP, sinabi nito na nag-inuman ang biktimang si Arman Ollano at tatlong iba pa ng Tuba.

Ngunit makalipas ang ilang oras, itinakbo na sa ospital si Ollano matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan.

Pero inilipat din sa Bicol Medical Center (BMC) sa Naga City at doon na binawian ng buhay.

Maliban dito, binawian din ng buhay ang tatlo pang mga nakainuman nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, maliban sa mga binawian ng buhay, mayroon pang apat na nananatili sa ospital na pinaniniwalaan ding tumikim ng nasabing uri ng inumin.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad habang inaalam pa kung may iba pang nakainom ng kaparehong inumin sa nasabing lugar.